Bandang 3:30 ng hapon, may batang sumisigaw sa labas at naglalako ng iba't ibang klase ng doormat. Nasa 10 taong gulang siguro ang edad. Walang pumapansin at walang bahay ang natinag sa pagtitinda niya. Pagdating niya sa tapat ng bahay namin, nagtahulan ang mga aso. Sinilip namin kung anong meron. Nakalapag na sa semento ang mga paninda ng bata. Humarap siya sa grotto ni Mama Mary sa gilid ng bahay namin, pumikit, at tahimik na nagdasal sa kabila ng ingay.
(Ipinagdasal kaya niya na sana may bumili na sa paninda niya?)
Pagkatapos niyang magdasal, napansin siguro niya kaming nakamasid sa bintana. Mahina at matamlay ang boses niya na tumawag ng:
"Ate, ate, bili na po kayo..."
Malungkot ang itsura niya at para bang pagod na pagod. Paulit-ulit niyang binatak pataas ang collar ng kanyang t-shirt at ipinahid sa pawisang mukha. Sa nakita namin, naawa ang nanay ko at nagpasyang bumili ng paninda ng bata. 3 for 100 daw ang mga basahang dala niya.
Pagkaabot ni manang ng bayad at pagkakuha ng mga basahan, may sinabi pa yung bata at pumunta sa kusina si manang. Inayos na ng bata ang mga paninda niya saka naupo sa semento at naghintay. Pagbalik ni manang sa gate, may dala siyang isang baso ng tubig at inabot sa bata. Nanghingi pala siya ng maiinom.
Tuloy-tuloy na inubos ng bata ang tubig, binalik ang baso, may sigla na ang boses na nagpasalamat, isahang beses lang na binuhat ang mabibigat na basahan at ubos-lakas na ipinatong ang mga ito sa kanyang ulo saka umalis.
Nakakaiyak yung mga ganitong katotohanan sa lipunan. Pagod na pagod na naghahanapbuhay ang mga bata. Musmos pa lang, mulat na sila sa hirap ng pagkayod para lang kumita. Pero nasaan kaya ang mga magulang nila habang babad sa initan ang mga anak nila? Matinding kahirapan na naman ba ang kanilang idadahilan sa pagpayag na magtrabaho para sa pamilya ang mga menor de edad?
Nakakaawa. Bakit sila pa ang dapat magdusa? Bakit yung mabubuti at masisipag na bata pa ang nagsasakripisyo? Dapat nga sigurong magpasalamat at hindi natin naranasan ang ganun noong bata pa tayo. Pero sana hindi rin nila nararanasan ang hirap sa panahon na dapat ay malaya lang silang nakakapaglaro at nakakapag-aral.